COVID-19 cases sa QC, nasa downward trend na

Malugod na iniulat ng OCTA Research Group, na patuloy sa pagbaba ang COVID-19 cases sa Quezon City, ilang buwan matapos naitala ang pagtaas nito noong April.

Sa report na isinumite ng OCTA kay Mayor Joy Belmonte, ang average cases per day para sa June 8 to 14 ay nasa 167 na lang, mahigit 1,000 kaso na naibaba kumpara sa peak surge nito noong March 30 hanggang April 5.

Ang city’s Average Daily Attack Rate (ADAR) o bilang ng mga bagong kaso sa nakalipas na dalawang linggo, ay nasa 5.3 na lang kumpara sa 37.58 noong April.

Ang ADAR ay isa sa mga instrumento na ginagamit ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), upang tukuyin ang quarantine mode ng isang siyudad o probinsya.

Dagdag pa ng OCTA Research Group, ang city’s reproduction number o average number ng mga secondary infection dulot ng primary case infection ay nasa .96 na lamang, mas mababa sa target na 1.

Ang magandang development na ito ay pinuri ni Mayor Joy Belmonte, kung saan ang malawakang pagbabakuna, mass testing, at pagsunod sa minimum health protocols, ang mga pangunahing dahilan kung bakit patuloy sa pagbaba ang kaso sa lungsod.

Hanggang noong June 17, 2021, iniulat ng City Epidemiology and Surveillance Unit ang active cases sa lungsod na 1,778 (1.8%), habang ang recoveries ay nasa 96,765 (97%), at ang naitalang namatay ay 1,159 (1.2%), na sa kabuuang kaso ay nasa 99,702.

Ipinaalala ng alkalde sa mga taga QC, na huwag maging kampante kahit bumababa na ang hawaan ng virus, at tiyaking nasusunod pa rin ang mga ipinaiiral na minimum health protocols.