COVID-19 cases sa QC, bahagyang bumaba

Matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City noong Marso, bahagya namang nararamdaman ngayon ang naitatalang nahahawaan ng virus.

Sa huling pagsasaliksik ng OCTA Research Group ang average number ng kaso mula April 20 hanggang 26 ay bumaba sa 743 kumpara sa 1,183 average cases noong March 30 hanggang April 5 na ikinunsiderang peak o bilis ng hawaan.

Mula sa reproduction na 1.59, ang reproduction number ngayon ay nasa 1.23, mas mababa sa recommended reproduction number ng World Health Organization na less than 1.

Ang positivity rate ay bahagya ring bumaba sa 21% mula 26% habang ang daily attack rate per 100,000 population ay nasa 23.60%.

Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte nakatulong sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 ang mas pinaigting na testing, tracing, at isolating.

Ang average tests na ginagawa per day ay tumaas sa 3,298 na isinagawa sa tatlong local government hospitals, 11 community-based testing sites ng anim na distrito ng lungsod.

Sinabi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David, kung magtutuloy-tuloy ang strategy ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ay posibleng lalo pang mapababa ang kaso ng COVID-19.

Hanggang ngayong araw, April 29, ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit ay nakapagtala ng active cases na 7,126 habang ang recoveries ay nasa 73,200 at mayroong 995 na namatay.

Ang city’s isolation and quarantine facilities ay tumaas naman ng mahigit 3,000 beds habang ang mga city-owned buildings at eskwelahan ay ginawa nang pasilidad.

Umaapela pa rin si Belmonte sa mga residente ng lungsod na patuloy na maging responsable sa pagsunod sa basic health protocols lalo na sa mga workplaces, labas ng tahanan, at mga business establishment.