COVID-19 active cases sa Navotas, bumaba na sa 2.8%

Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang patuloy na pagbaba ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa pinakahuling inilabas na COVID-19 update ng lokal na pamahalaan, bumaba na sa 141 bilang ng active cases o 2.8% ng kabuuang kumpirmadong kaso matapos makapag-tala ng 24 na recoveries at tatlong panibagong kaso kahapon.

Sa kabuuan, umabot na sa 4,686 ang bilang ng mga residenteng gumaling mula sa COVID-19 habang nananatiling 141 ang bilang ng nasawi dahil sa virus.

Bagamat bumababa na ang bilang ng nahahawa ay patuloy na hinihimok ng lokal na pamahalaan ang publiko na huwag magpabaya at patuloy na sundin ang mga health protocols upang hindi mahawa ng COVID-19.