Corporate Planning Workshop, magiging batayan sa direksiyon ng TESDA sa ilalim ng bagong Kalihim

Kasalukuyang ginaganap ang tatlong araw na Corporate Planning Workshop ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA), na siyang magtatakda sa estratehikong direksiyon ng ahensiya sa loob ng apat na taon.

Sa ipinaabot na mensahe ng bagong itinalagang kalihim ng TESDA na si Isidro Lapeña, kanyang tinuran na mahalagang aralin at baguhin ang disenyo ng organisasyon upang mas makatugon ito sa mga hamon na kinakaharap ng ahensiya at mailatag ang pundasyon nito.

Ayon pa kay Lapeña, napapanahon din ang nasabing aktibidad dahil nabigyan siya ng pagakakataon na talakayin ang kanyang plano at ang direksiyon na tatahakin ng buong organisasyon upang mailakip ito sa corporate plan.

Ngunit tiniyak ng kalihim sa harap ng Deputy Directors, Executive Directors at Regional Directors, na kanyang ipagpagpatuloy ang mga plano at programa ng ahensiya at ang pagbabagong ipatutupad ay may layong ayusin ang serbisyong ipinagkakaloob nito.

Ayon sa opisyal, nagpatupad na rin siya ng short term plan, kabilang na rito ang paglilipat ng ilang mga tanggapan sa ilalim ng Office of the Director General.

Sa huli, binigyang diin ni Lapeña, gaano man kalaki ang plano at estratehiya ng ahensiya, hindi dapat nakakalimutan ang mga rank and file employee, na bigyan ng atensiyon upang gawin itong masigasig, matatag at maagap sa pagharap sa kanilang mga responsibilidad, at mga tungkulin bilang mga tagapaghatid ng serbisyo sa publiko, na siyang daan sa tagumpay ng ahensya na makuha ang tiwala ng kanilang kliyente. | ulat ni Dang Sabdani – Radyo Pilipinas Davao