Convicted ex-General Palparan, inilipat na kagabi sa New Bilibid Prison 

Inilipat na kagabi sa New Bilibid Prison (NBP) mula sa Army Custodial Center si convicted ex-General Jovito Palparan.

Iniulat ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Villanueva na si Palparan, kasama sina retired Lt. Col. Felipe Anotado at retired SSG Eduardo Osorio ay nai-turn over na nila sa New Bilibid Prison dakong alas-7:45 kagabi.

Ang paglipat ay bilang pagtalima sa kautusan ng Malolos City Regional Trial Court Branch 15, na sinentensyahan ang tatlo ng habambuhay na pagkabilanggo sa NBP dahil sa kidnapping noong 2006 ng dalawang UP students.

Ayon kay Villanueva mismong ang jail warden ng Philippine Army Custodial Center na si Maj. Amer Minanga ang naghatid sa tatlo.

Sila ay tinanggap sa Reception and Diagnostic Center (RDC) ng NBP nina Supt. Ma. Elena Chua at Supt. Gerry Salamat.

Una nang sinabi ni Bureau of Corrections Director Usec. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na si Palparan ay tatagal ng 60 araw sa RDC para sa processing bago ilipat sa maximum security compound ng NBP.  | ulat ni Leo Sarne