Converging area para sa mga senior citizen at PWDs, itinutulak sa QC

Nagpasa ang Quezon City Council ng isang resolusyon na hinihiling sa mga barangay at homeowners’ association na nangangasiwa sa mga ‘city-built covered court’ na i-prioritize ang mga senior citizen at Persons with Disability (PWDs) na magamit ang mga naturang lugar bilang ‘converging area’ para sa kanilang physical, moral at social well-being.

Ang City Resolution ‪7487-2018‬, na ipinanukala ni Councilor Bobby Castelo ay humihiling sa lahat ng mga barangay, homeowners’ association at iba pang entity na nangangasiwa ng covered court at mga lugar na itinayo ng pamahalaang lungsod, na i-prayoridad ang mga senior citizen at PWDs na gamitin ito bilang lugar ng pagtitipunan mula ‪ala-5:00 hanggang ala-7:00 ng umaga, ‬Lunes hanggang Biyernes na ‘free of charge.’

May mga ibang baranggay kasi sa lungsod na kulang sa pasilidad kaya nagagamit ang mga kalsada sa pagdaraos ng ‘physical fitness activities.’

Kasama sa patakaran ng gobyerno ang magbigay ng suporta sa pagpapaigi ng physical, moral and social well-being ng mga nakatatanda at may kapansanan alinsunod sa naamyendahang Republic Act No. 7432, o “Senior Citizen Law” at Republic Act No. 7277, o “Magna Carta for Disabled Persons.” | ulat ni Ched Oliva