Contact tracing, susi sa pagpigil ng pagkalat ng Omicron sa bansa

Contract tracing ang magiging susi sa pagpigil sa pagkalat ng Omicron variant ayon kay Senador Ping Lacson.

Para sa senador, kailangang tutukang maigi ng gobyerno ang pagtunton sa mga indibidwal na nagkaroon ng contact sa dalawang kaso ng bagong variant na nakumpirma kamakailan ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Lacson, dapat gawin ng gobyerno ang lahat para maiwasan ang pagkalat ng Omicron variant sa bansa dahil posible itong makadagdag sa pinsala na dinulot ng pandemya sa ating kalusugan at ekonomiya. 

Dapat rin aniyang gawin ng publiko ang kanilang parte sa pamamagitan ng pagsunod sa physical distancing at sa iba pang health protocol. 

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na mainam na na-trace kaagad ng DOH ang dalawang kaso ng Omicron sa bansa. 

Gayunpaman sa ngayon ay hindi pa aniya nirerekomenda ng senador na magtaas ng alert level sa bansa. 

Nagpaalala rin si Villanueva sa publiko na bagamat excited tayong magdiwang ng Pasko ng magkakasama, dapat ay huwag pa ring kalimutan na umiiral pa rin ang pandemya at dapat patuloy pa ring magsocial distancing, palagiang magsuot ng mask at mag-sanitize at kung hindi maganda ang pakiramdam ay mainam na manatili na lang sa bahay.