Contact tracing, pinalakas ng Pasay LGU matapos lumobo ang COVID-19 cases

Nagdodoble-kayod na ang Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) sa contact tracing, matapos makapagtala ng COVID-19 cases ang lahat ng barangay sa lungsod.

Sa datos ng city government, pinakamarami ang binabantayang kaso sa Barangay 183 na may 322 cases at Brgy. 201 na may 163 cases.

Sinabi ni CESU Head Miko Llorca, na 64 na barangay o 829 na bahay ang isinailalim sa localized enhanced community quarantine.

Hiniling ng local government ang kooperasyon ng publiko, dahil sa bilis ng pagkalat ng COVID-19 sa Pasay.

Mahigpit namang ipinatutupad ng pulisya ang utos ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, na limitahan ang galaw lalo na ng mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19.

Naglabas din ng guidelines ang lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng official social media page ng Public Information Office ukol sa quarantine o isolation.