Construction equipment, sinunog ng NPA sa Northern Samar

Sinunog ng New People’s Army (NPA) ang construction equipment sa Brgy. San Francisco, Las Navas, Northern Samar na ginagamit sa pagawa ng daan na mag-uugnay sa lalawigan sa Eastern Samar.

Ayon kay Major General Pio Diñoso III, Commander, 8th Infantry Division, 20 NPA ang umatake kahapon ng alas-4 ng umaga at nanunog ng heavy equipment na pag-aari ng MDU Construction.

Ito’y matapos umanong tumangging magbayad ng extortion money sa NPA ang may-ari ng kumpanya.

Kabilang sa mga sinunog ng mga terorista ay isang ten-wheeler dump truck, dalawang backhoes, isang crane, isang self-loading vehicle (prime mover), isang soil compactor, isang grader, dalawang loaders, at generator set.

Ayon kay Maj. Gen. Diñoso naantala ang isang vital road project na para sa benepisyo ng mga Samareño dahil sa ginawa ng NPA, na patunay lang na sila ay anti-development at anti-people.

Siniguro naman ni Maj. Gen. Diñoso na makikipagtulungan ang militar sa mga contractors upang hindi maantala ang mga mahahalagang proyekto ng pamahalaan.