Cong. Alexi Nograles, kinumpirma ng Palasyo na ikinukunsidera na mapabilang sa gabinete

Isa si Congressman Karlo Alexi Nograles sa mga ikinukunsidera ngayong mabigyan ng puwesto sa gabinete.

Ito ang kinumpirma ngayon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isinagawang briefing sa Malacañang.

Ganunpaman, inihayag ni Panelo na mas mabuting hintayin na lamang ang pasiya ng Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa umuugong na posibilidad na mapabilang ang batang Nograles sa gabinete ng Pangulong Duterte.

Una dito’y inihayag ni Panelo na sa loob ng linggong ito mag-aanunsyo ang Pangulong Duterte ng mga bagong cabinet members, kapalit ng mga nagsipagbitiw sa pwesto dahil pawang mga kumandidato para sa eleksyon 2019.

Subalit sa kaninang press conference ay sinabi ng tagapagsalita ng Pangulo na baka pagkatapos ng Undas na isapubliko ang bagong line up ng gabinete.

Si Nograles ay dati nang napabalitang kasama sa listahan ng mga kandidato ng administrasyong Duterte, subalit umatras.

Sa ngayon, bakante pa ang mga posisyong presidential adviser for political affairs at secretary to the cabinet.  | ulat ni Alvin Baltazar