Condo unit sa Mandaluyong na ginagawang ‘drug den,’ sinalakay ng  PDEA

Nakumpiska ng mga operatiba ng Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 45 gramo ng ‘high grade shabu’ na aabot sa halagang P300,000, makaraang salakayin ang isang condominium unit sa Mandaluyong City na ginagawang ‘drug den’ kahapon, January 7, 2018, alas -4 ng madaling araw.

Arestado ang pangunahing target ng PDEA na si Andro Santos, na sinasabing drug maintainer, kabilang ang mga bisitang sina Evelyn Cacela alyas Lyn, Herminigilda de los Reyes alyas Inday, Resist Espiritu at Dennis Litonjua.

Batay sa isinumiteng report ni Alpha Team Leader- Agent Art Alagabia kay PDEA Special Enforcement Service Regional Director Levie Ortiz, sinalakay nila ang naturang condo unit na nagresulta sa pagkakaaresto sa pangunahing suspek na si Santos.

Nabatid na si Santos ay isang engineering student sa isang pribado at ekslusibong unibersidad sa Maynila.

Ang pinangbabayad umano nito ay mula sa mga ibinebentang shabu na kinukuha naman sa isang Chinese national na nagtutulak ng droga sa bansa.

Si Santos, kasama ang apat na parokyano, ay nahaharap sa kasong paglabag ng Sections 5,6, at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ‘Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002’ at kasalukuyan nang nakapiit sa PDEA detention facility sa lungsod Quezon. | ulat ni Ched Oliva