ConCom Spokesperson Generoso, giniit na ‘di bahagi ng federalism info drive ang viral video ni Asec. Uson

Ikinadismaya ni Consultative Committee Spokesperson Ding Generoso ang nag-viral na video ni Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson at kaibigan nitong blogger tungkol sa pederalismo.

Sa isang statement, sinabi ni Generoso na lumabas ang naturang video isang araw bago ang naging meeting nila noong Biyernes kasama si Uson at ang Department of Interior and Local Government (DILG) Communications Group tungkol sa maitutulong sana nito sa info drive.

Giit ni Generoso, hindi ganito ang tamang paraan ng pagpiprisinta ng pederalismo sa publiko at hindi ito bahagi ng information campaign na patuloy pa ring binubuo at isinasapinal hanggang sa ngayon.

Nilinaw rin nitong hindi nila itinalaga bilang tagapagsalita ng pederalismo si Uson at hindi kinakailangan ng partikular na tagapagsalita ng kanilang information-dissemination program.

Nais aniya nilang isentro sa benepisyo ng pederalismo ang kanilang kampanya lalo na para sa mga Pilipinong nasa malalayong rehiyon, probinsya at mga lugar na kulang sa oportunidad dahil nakasentro ang kapangyarihan at resources ng pamahalaan sa Metro Manila.

Kasama na rin rito ang kung paano makatutulong ang pederalismo sa paggawa ng job at livelihood opportunities at kung paano mapapalapit sa mga tao ang mga serbisyo ng gobyerno gaya ng mga programang pangkalusugan at pang-edukasyon. | ulat ni Nimf Mae Asuncion