Computer shop sa Navotas, ipinasara dahil sa paglabag sa quaratine protocols

Ipinasara ng lokal na pamahalaan ang isang pisonet shop sa B. Cruz Street sa Brgy. Tangos North matapos madiskubre na hindi ito sumusunod sa mga patakaran ng lungsod ukol sa stay-at-home policy para sa mga menor-de-edad.

Naaktuhan ng mga tauhan ng Business Permits and Licensing Office na pinapayagan ng may-ari ng computer shop ang mga bata na maglaro ng online games. Isa umano itong paglabag sa City Ordinance No. 2020-33, na kung saan ang mga 18-taong gulang pababa ay dapat manatili sa kanilang tahanan habang ang Metro Manila ay nasa ilalim pa ng General Community Quarantine (GCQ).

Matatandaang nagdesisyon ang lokal na pamahalaan ng Navotas na patuloy na ipatupad ang 24-oras na curfew para sa mga menor-de-edad sa kabila ng deklarasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na payagan na lumabas ng bahay ang mga residente na 15-65 taong gulang.

Maliban sa pagpapasara ng pisonet shop, binigyan rin ng violation ticket ang mga magulang ng mga bata. Pinaalalahanan rin ang mga magulang na huwag hayaan ang mga bata na lumabas ng bahay upang maging protektado ang mga ito kontra COVID-19.