Commuters group, umapela sa SEC na palawigin ang implementasyon ng memo circular na nakakaapekto sa transport sector

Iminungkahi ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Securities and Exchange Commission (sec) na palawigin muna ang pagpapatupad ng inilabas na memorandum circular para sa mga korporasyon, associations, partnership at iba pa.

Ayon kay LCSP President Ariel Inton, kabilang kasi sa maaapektuhan ng memo circular ang libo-libong Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) at Public Utility Vehicle (PUV) Operators.

Paliwanag ni Atty. Inton, nakapaloob sa memo circular ang mandatory submission ng email at mobile numbers ng mga corporations, partnerships at iba pa para sa kanilang filing at monitoring system.

Mula Pebrero 23,2021 nagpataw na ng penalty na P10,000 ang SEC sa mga hindi nakasunod sa pagsumite ng mga requirements na lubhang napakalaki.

Nais din ng commuters group na gawing malawakan ang anunsyo tungkol dito dahil marami sa transport sector ang hindi pa nakakaalam nito.

Maganda aniya ang hangarin ng SEC pero sana isaalang-alang din ang kasalukuyang sitwasyon ng naghihikahos na transport sector sa panahon ng pandemya.