Commuters group, umalma sa pag-freeze sa payment ng LTO sa motor vehicle plate contract

Hindi matanggap ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na ang internal dispute ng car plate supplier ang dahilan ng patuloy na pagkaka-antala sa pag-iisyu ng plaka ng mga sasakyan sa bansa.

Pahayag ito ni LCSP President Atty. Ariel Inton kasunod ng pag-freeze ng bangko sa ₱200-million payment ng Land Transportation Office (LTO) para sa license plates contract sa naunang backlog ng plate numbers mula 2013 hanggang 2018.

Aniya, walang ligal na batayan ang freeze order ng bangko lalo pa’t ang kapalit ay para ma-delay ang pag-iisyu ng plaka.

Batay sa rekord, nakuha ng PPI-JKG ang five-year contract para sa paggawa ng plaka sa ilalim ng motor vehicle license plate standardization program.

Pero hawak na ngayon ng OMI-JKG joint venture ang kontrata matapos mabili ang majority shares ng kumpanya mula sa dating partner na si Christian Calalang.

Pinagbasehan aniya ng LTO at bangko na i-freeze ang payment dahil sa simpleng sulat ni Calalang na naghahabol pa sa ownership ng ibinentang kumpanya.

Giit ng commuters group, dapat umanong panagutin ang sinumang opisyal ng LTO lalo na ang bangko na nagiging dahilan ng delay sa paggawa ng mga bagong plaka.