Community quarantine na iiral sa iba’t ibang lugar sa bansa makalipas ang June 15, inaanunsyo ni PRRD mamayang gabi

Iaanunsiyo mamaya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang bagong community quarantine, na iiral sa NCR Plus areas at iba pang lugar sa bansa, para sa June 16 hanggang katapusan ng buwang kasalukuyan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bago ang Talk to the People ng Pangulo mamayang gabi, magkakaroon ng pulong ang mga miyembro ng Inter Agency Task Force (IATF), upang talakayin ang kanilang pinal na rekomendasyon sa Pangulo.

Ayon kay Secretary Roque, bagamat maganda ang ipinapakitang pagbaba sa mga COVID data sa NCR Plus areas, posibleng hindi pa rin ito sapat upang ibaba sa modified community quarantine ang NCR Plus areas.

Tulad nang una nang sinabi ng MalacaƱang, kung ibababa man ang quarantine classification ng NCR, ipabibilang lamang ito sa normal na general community quarantine (GCQ), lalo at nasa GCQ with heightened restriction ang rehiyon sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Secretary Roque, mayroon ring local government units ang umapela na higpitan pa ang kanilang community quarantine, at aaktuhan rin ito ng IATF ngayong hapon.