Communication ng Rise Up sa ICC para sa imbestigasyon ng war on drugs, ‘di ikinagulat ng Palasyo

Hindi na ikinagulat ng Office of the President ang pagsu-sumite ng communication ng Rise Up for Life and Rights (Rise Up) sa International Criminal Court (ICC), na humihikayat kay Prosecutor Fatou Bensouda na simulan na ang imbestigasyon sa kampaniya ng administrasyon kontra iligal na droga.

Ang Rise Up ay isang network ng church-based, sectoral organization na kinabibilangan rin ng pamilya ng mga umano’y biktima ng war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, layon ng hakbang ng grupo na hiyain si Pangulong Rodrigo Duterte habang abala ito sa pagtatrabaho sa labas ng bansa upang i-promote ang Pilipinas.

Maituturing na foul ang hakbang na ito ayon kay Panelo, dahil taliwas ito sa standard norm na dapat ay nagkakaisa ang bansa sa tuwing may foreign visit ang Pangulo at itinataguyod ang imahe ng Pilipinas.

Ayon sa kalihim, kung mayroon talagang basehan ang pagsusumite ng Rise Up ng communication sa ICC, dapat ay magkaroon sila ng dignidad na kilalanin ang alaala ng mga nasawi sa war on drugs at sa halip, magsampa ng kaukulang reklamo sa mga korte dito sa Pilipinas.

Ang pagdulog aniya nila sa ICC, kahit pa gumagana naman ang mga korte sa bansa, ay nagpapakita lamang na ginagamit nila ang mga nasawing ito para sa pansariling agenda.

Sa huli, sinabi ni Panelo na matatalino ang mga Pilipino at hindi basta na lamang nadadala ng mga political propaganda. Kumpiyansa rin ang Palasyo na mananatili ang suporta ng mga Pilipino sa Pangulo sa pagtatapos ng termino nito.