Commanding officer ng military hospital, attending physician sa pagkamatay ng PMA cadet, sinibak na rin 

Tinanggal na rin sa pwesto ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang dalawang opisyal ng military hospital kung saan ilang beses dinala si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio bago ito namatay sanhi ng “injuries” dahil sa maltreatment.

Kinilala ang mga ito na sina Col. Cesar Candelaria, ang commanding officer ng ospital, at si Cpt. Apostol, ang attending physician.

Una na ring tinanggal ng PMA ang dalawang opisyal na responsable sa pamamahala sa mga kadete na sina Senior Tactical Officer Maj. Rex Bolo, at Tactical Officer Cpt. Jeffrey Batistiana.

Bukod sa mga opisyal ng PMA, pinatawan ng parusang “separation” o pagkasipa sa PMA, ang apat na kadete na sina 3rd Class Cadet Shalimar Imperial at 3rd Class Cadet Felix Lumbag, dahil sa “direct participation”; 1st Class Cadet Axl Rey Sanupao dahil sa “encouragement” o pangungunsinti ng maltreatment; at ang squad leader ni Dormitorio na si 2nd Class Cadet Nickoel Termil, dahil sa command responsibility.

Suspensyon naman ang ipinataw na parusa kina 1st Class Cadet Irvin Sayud, ang platoon leader, at 1st Class Cadet Elbert Lucas, ang commanding officer.

Pinatawan din ng parusa sa first class offense si Cadet 1st Class Christian Correa na siyang floor inspector.

Bilang pag-ako ng “command responsibility” sa nangyaring insidente ng hazing na ikinasawi ni Dormitorio, boluntaryong nagbitiw na rin sa pwesto sina PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Bartolome Bacarro.

Photo courtesy: PNA