Commanding officer nang mangyari ang Samar misencounter, sinibak sa pwesto

Tinanggal na sa pwesto ang commanding officer ng 87th Infantry Batallion na si Lt. Col. Arnel Floresca.

Si Floresca ang nakaupong commanding officer nang maganap ang misencounter sa pagitan ng tropa ng pulis at militar sa Sta. Rita, Samar nitong Hunyo na nagresulta sa pagkakasawi ng anim na pulis.

Ayon kay 8th Infantry Division Spokesperson Capt. Francisco Agno, ang pagkakasibak kay Floresca sa pwesto ay upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon sa misencounter incident.

Pumalit naman kay Floresca bilang bagong batallion commander si Lt. Col. Rommel Cabanayan habang si Floresca ay madidestino naman sa 8th Infantry Division.

Tiniyak naman ni Agno na sa kabila ng nangyari ay nananatili pa ring maganda ang relasyon ng militar at pulisya sa rehiyon.

Patunay aniya dito ang pinakahuling operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang high-ranking New People’s Army (NPA) official kamakailan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion