Comelec, kakalampagin dahil sa pahirap na tax refund sa honorarium ng mga gurong nagsilbi sa halalang pambarangay

Upang ipakita ang kanilang pagkadismaya, mangangalampag bukas, May 30 ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila.

Ito ay dahil umano sa kabiguan ng Comelec na sundin ang nakasaad sa Election Service Reform Act of 2016 partikular sa pag-release ng honorarium ng mga gurong nagsilbi sa katatapos lang na Barangay at SK Elections.

Anila hanggang ngayon, nahihirapan pa umano ang teachers 1 at 2 na kumuha ng kanilang tax refund.

Taliwas naman sa inilabas na Comelec resolution na dapat ay expense-free ang pag-proseso sa refund ay ikinagulat ng grupo ang singilin sa notary services at documentary stamp tax.

Dahil nahihirapan sa mga rekisito, ang iba ay napilitan na lang umanong pumirma ng waiver upang hindi na sila maghabol ng tax refund.

Ang aktibidad ng ACT bukas ng alas 11:00 ng umaga ay isang araw makalipas ang deadline na itinatakda ng batas na dapat naibigay nang buo sa mga public school teacher ang kanilang honorarium, 15-araw matapos magsilbi sa eleksyon. | ulat ni Shane Juan