Comelec, handa sa pagdagsa ng magpaparehistro

Dalawang araw bago matapos ang voter’s registration, sinabi ng Commission on Elections (Comelec), na handa ang mga kawani ng ahensya sa inaasahang pagdagsa ng mga magpaparehistro para makaboto sa susunod na eleksiyon.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa Sabado at sa Lunes na lamang maaaring makapagparehistro ang gustong makaboto.

Sinabi rin ni Jimenez, na istriktong susundin ang mga registration procedure ng COMELEC lalo na sa huling araw ng pagpaparehistro.

Kaya naman pinapaalalahan ng COMELEC na magparehistro ng maaga sa September 30. Dahil pagsapit ng alas-3 ng hapon ay tanging ang mga aplikante lamang na nakapila at nasa loob ng 30 meter radius mula sa Comelec office ang kanilang ipoproseso.

Magkakaroon ng express lane para sa mga persons with disabilities, senior citizens at mga buntis na aplikante.

Sa huling tala ng COMELEC, umabot na sa mahigit 2.6 million ang nagparehistro mula ng magsimula ang voter’s registration noong August 1.