Comelec Chairman Sheriff Abbas, lusot na sa CA

Kumpirmado na ng Commission on Appointments ang nominasyon ni Sheriff Abas bilang chairman ng Commission on Elections (Comelec).
 
Ito ay matapos ang unang beses lang na salang ngayon sa committee level ng appointment body.
 
Walang opositor o kumontra rito at sa halip panay papuri sa kaniya ang mga senador at kongresitang kasapi ng komisyon.
 
Manunungkulan si Abas bilang Comelec chairman hanggang February 2, 2022. Pupunuan niya ang termino na naiwan ni dating Comelec Chairman Andres Bautista na nagbitiw dahil sa kinaharap na mga kontrobersya.
 
Si Abas ay tatlong taon na naging Comelec commissioner. Itinalaga siya sa Comelec ni dating Pangulong Noynoy Aquino at siya ang napili ni Pangulong Duterte kapalit ni Bautista.
 
Si Chairman Abas ang unang Comelec chairman mula sa Mindanao, una ring Muslim na hahawak sa posisyon at pinakabata rin sa edad na 39.
 
Siya rin ang unang Comelec commissioner na naging chairman ng komisyon. | via Jojo Ismael