Coconut farmers, tutulungan ng DA para kumita ng maayos sa kanilang produkto – DA Sec. Piñol

Maglalaan na ng P200 Milyong pisong pondo ang Agricultural Credit Policy Council ng Department of Agriculture (DA) na ipapautang sa mga coconut farmers sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ipapautang ito sa mga coco farmers sa ilalim ng Production Loan Easy Access na may 6% interest lamang kada-taon.

Gagamitin ito bilang puhunan ng coconut farmers groups para ipambili sa mga produktong copra sa kanilang mga miyembro na ibebenta naman ng direkta sa mga oil mills.

Ngayong Huwebes, makikipagkita na si Piñol sa mga may-ari ng coconut oil mills at hihilingin sa kanila na direkta nang makipagkasundo sa mga coco farmers na popondohan ng Agricultural Credit Policy Council ng DA.

Nais ng DA na matanggal na ang tradisyonal na “compradors” na nagsisilbing link o namamagitan sa mga hindi organisadong coco farmers at copra traders o malalaking oil mills na kumikita ng malaki kaysa sa mga farmers.

Inatasan din ng kalihim ang Philippine Coconut Authority na suportahan ang farmers group sa pamamagitan ng mga equipment tulad ng hauling trucks at modern drying facilities.

Umaasa si Piñol, na mabibigyan na ng solusyon ang napakababang kita ng mga coco farmers dahil sa pagbagsak ng presyo ng copra sa pandaigdigang pamilihan.  | ulat ni Rey Ferrer