Closure order sa Isetann Mall, binawi ng Manila city government

Tuluyan nang binawi ng Manila City governement ang ipinataw nitong closure order sa Isetann Mall sa Recto, dalawang araw matapos personal na ipasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang nasabing establisyimento dahil sa maraming paglabag sa mga ordinansa nito.

Agad na binawi ang closure order matapos itong irekomenda ng Bureau of Permits, dahil agad na nakapagsumite ang pamunuan ng Isetann ng mga  requirement upang muli nang makapagbukas. Inaprubahan naman ito ni Bernardo C. Ang, na tumatayong secretary ni Mayor Isko.

Ayon kay Manila PIO chief Julius Leonen, agad na nakakuha ang Isetann mall ng permit to lease at permit upang mapatakbo ang mga cinema nito.

Idineklara na rin ng Isetann Mall ang totoong inookupang espasyo at bilang na kanilang empleyado.

Nagbayad na rin umano ng tax deficiency na P2 milyon ang nasabing mall sa Manila City Government.

Matapos bawiin ang closure order ay nangako ang management ng Isetann mall na susunod na sa mga ordinansa at batas.