Wala pang solid na conclusion ang mga clinical trial sa buong mundo, kaugnay sa pagiging mabisa ng Ivermectin bilang pantugon sa COVID-19 patients.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Usec. Rowena Guevarra, na nasa higit 50 pag-aaral sa buong mundo ang ginagawa para sa Ivermectin.
Ilan aniya sa mga pag-aaral na ito ay tapos na.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya sapat ang mga datos upang mairekomenda ang paggamit ng Ivermectin bilang gamot sa mga pasyenteng tatamaan ng COVID-19.
Matatandaan na una na ring inanunsyo ng DOST na UP – Philippine General Hospital (PGH) ang mangunguna sa pag-aaral na ito.
Habang ang mga quarantine center na malapit sa PGH ang pagsasagawaan ng pag-aaral. Ang Department of Health (DOH) naman ay mayroon nang inilaan na pondo para dito.