Clinical trial sa Ivermectin, sisimulan na sa susunod na buwan

Magsisimula na ang clinical trial ng Ivermectin sa susunod na buwan.

Ito ang kinumpirma ng U.P. PGH Department of Medicine na sisimulan mula sa buwan ng Hulyo hanggang Enero 2022.

Kaugnay nito ay magsisimula na silang mag-recruit ng mga lalahok o participants sa kalagitnaan ng Hulyo.

Naglaan na rin ng pondo ang Department of Health upang magsagawa ng clinical trial, upang matukoy ang bisa ng Ivermectin laban sa COVID-19.

Kaugnay nito ay humingi na rin ng tulong ang U.P. PGH sa dating Dean ng Pharmacology at Bio-Statistician na sumama sa kanilang committee, kung paano gumawa ng placebo at mag-compound ng mga gamot.

Ang pag-aaral na ito ay isasagawa sa ilalim ng clinical epidemiology ng National Institute of Health.

Ang veterinary anti-parasitic drug ay susubukan sa mahigit 1,000 symptomatic at non-severe COVID patient, na hindi lalagpas sa 18 taong gulang.

Ang focus ng pag-aaral ay sa Metro Manila at Quezon City para madaling masundan ang mga lalahok sa trial.

Matatandaang ang anti-parasitic drug na Ivermectin ay unang kumalat sa internet, bilang alternative drug laban sa COVID-19.