Clearing operations sa Marawi, 15 porsyento na lang ang kulang — AFP

Sinabi ng Armed Forces of the Philippines na 15% na lang ng Marawi ang kailangang i-clear ng militar bago pahintulutan na makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente.

Ito ang sinabi ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kasabay ng pagtitiyak na ginagawa ng militar ang lahat para mapabilis ang clearing operations.

Aniya, batid ng militar na naiinip na ang mga residente na bumalik sa Marawi, pero hindi naman maaring pahintulutan ito hangga’t hindi naaalis ang lahat ng unexploded ordinance sa siyudad para na rin sa kanilang sariling kaligtasan.

Nasa Marawi pa aniya ang kanilang combat engineering brigade na kinabibilangan ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force na walang tigil sa pagsasagawa ng clearing operations.

Bukas, Mayo 23, gugunitain ang unang anibersaryo ng pagsisimula ng Marawi Siege kung saan mahigit isang libong sibilyan, sundalo at pulis ang namatay. | via Leo Sarne