Clearing operation sa Capulong Street sa Tondo, isinagawa

Nagsanib pwersa ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Metro Manila Development Authority para alisin ang mga nakahambalang sa Capulong Street sa Tondo, Manila. Ikinagulat ng mga residente ng Capulong Street ang pagdating ng mga tauhan ng Manila City Hall at isa-isang kinumpiska ang iba’t ibang klase ng gamit na umokopa ng isang lane ng kalsada.

Kabilang sa mga obstructions ay eyesores na inalis ay mga sirang furniture at appliances, lumang goma at gulong, kahoy, basura, tarpaulin, kariton, bisikleta, lamesa at mga upuan gamit ng mga sari-sari store.

Pinaaalalahanan ang publiko na magkaroon ng disiplina kasabay ng ginagawa nitong pagsasaayos ng sidewalk at lansangan sa Metro Manila.

Hindi naman tutol ang pamahalaang lokal sa mga vendor ngunit kinakailangan ng pagsasaayos sa kalsada.

Samantala, sinabi naman ni MTPB Chief Dennis Alcoreza na inabisuhan sila ni Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada para makipagtulungan sa MMDA ukol sa clearing operation sa siyudad.

Pangako rin ni Alcoreza na regular na silang magdi-deploy ng tauhan para siguraduhin na mananatili ang kaayusan sa kahabaan ng Capulong Street. | via Ariel Fernandez