Clean-up drive, ikinasa ng MMDA para paghandaan ang panahon ng tag-ulan

Nangako ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magdodoble-kayod sa paglilinis ng National Capital Region (NCR) bago pa man opisyal na ideklara ang panahon ng tag-ulan.

Inilunsad ng MMDA ang “Metro Bayanihan: I ❤️ MM” project upang pagandahin at linisin ang mga sidewalk at daluyan ng tubig at magpatupad ng anti-littering at anti-dengue drive.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, nakikipag-ugnayan sila sa local government units para masigurong nagkakaroon ng malawakang clean-up at masasakop hindi lamang ang mga pangunahing kalsada kundi maging sa lahat ng barangay.

Regular na aniyang nililinis ang waterways sa pamamagitan ng dredging at declogging operations na mas paiigtingin pa bago ang tag-ulan para mapigilan ang pagbaha at pagkalat ng sakit tulad ng dengue, leptospirosis at iba pang water-borne diseases.

Pangungunahan ng Metro Parkways Clearing Group at Flood Control and Sewerage Management Office ang clearing operations ng illegal structures sa mga bangketa at declogging operations sa estero at kanal.

Bukod dito, magsasagawa ng misting at fogging operations ang ahensya para puksain ang pinamamahayan ng mga lamok habang magkakasa ng anti-littering lectures ang Health and Environmental Protection Office.