Clean Rider Campaign ng PNP, umani ng papuri mula sa alkalde ng Davao

Pinuri ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang Philippine National Police (PNP) sa inilunsad nito na Clean Rider Campaign na ayon pa sa alkalde ay makatutulong upang mapigilan ang krimen lalo na ang mga gawa ng motorcycle riders.

Naniniwala ang alkalde ng Davao na nasa magandang kampanya na ang kapulisan laban sa modus ng mga riding in tandem at iba pang katulad na paraan.

Batay sa mensahe ni Mayor Inday na binasa ni Councilor Mabel Sunga Acosta sa launching ng Clean Rider Campaign, umaasa ang alkalde na ang naturang programa ay magreresulta sa zero motorcycle theft.

Batay sa talaan ng pulisya, umabot sa 20 ang naitalang kaso sa motornapping sa Davao City noong taong 2017.

Nananawagan din ang alkalde sa lahat ng mga Dabawenyo na makipagtulungan sa mga kapulisan at i-enroll ang kanilang motorsiklo sa ‘clean rider system’.

Ang Clean Rider Campaign ay “brainchild” ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde bilang anti-crime prevention initiative sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG). | ulat ni Ruth Dumandan – DXRP Radyo Pilipinas