Claveria, Cagayan at Don Marcelino sa Davao Occidental, niyanig ng lindol – PHIVOLCS

Mag-aalas dos ng madaling araw kanina ng yanigin ng magnitude 4.8 na lindol ang bayan ng Claveria sa Cagayan.

Ayon sa ulat ng Phivolcs, may layong 15 kilometro lang sa Hilagang-Silangan ng Claveria ang pinagmulan ng pagyanig, naramdaman din ito sa bayan ng Gonzaga .

Bago ito, bandang 9:30 kagabi ng gulantangin ng may kalakasang pagyanig na magnitude 5.2 ang bayan ng Don Marcelino sa Davao Occidental .

Natukoy ang epicenter ng lindol na may lalim na 172 kilometers sa layong 41 kilometro sa hilagang kanluran ng Don Marcelino.

Bagamat sa karagatan ang pinagmulan ng pagyanig hindi naman naglabas ng tsunami alert ang Phivolcs.

Naramdaman ang intensity 3 sa General Santos City at Alabel sa Sarangani province, intensity 2 naman sa Mati City, Glan at Malapatan, Sarangani; Don Marcelino, Davao Occidental;Kiblawan at Sta. Cruz sa Davao del Sur

Sabi ng Phivolcs asahan pa ng publiko ang mga aftershocks sa lugar ng pinagmulan ng pagyanig pero hindi dapat mabahala.