Civil partnership bills, posibleng umusad na sa Kamara sa ilalim ng bago nitong liderato

Positibo si Committee on Women and Gender Equality Vice-Chair at Bataan Representative Geraldine Roman na uusad sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco ang civil partnership bills na nakabinbin sa Kamara.

Sa isang TV interview inihayag ni Roman na nasa kamay ng bagong speaker kung maipagpapatuloy o maisasantabi ang naturang mga panukala.

Aniya, sa termino ni dating Speaker Pantaleon Alvarez, ay umusad ang civil partnership bills dahil isinusulong ito mismo ni Alvarez ngunit naisantabi sa ilalim ng termino ni dating Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa umano’y pagiging konserbatibo nito.

Ngunit umaasa ito na sa panahon ni Speaker Velasco, na bata, open-minded at compassionate ay mas mapag-uusapan ito sa Mababang Kapulungan.

Una rito ang House Bill 1357 ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera at House Bill 2264 ni Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez.

Sa ngayon, dalawang panukalang batas ang nakahain sa Kamara para sa civil partnership ng same-sex couples at straight couples na hindi naniniwala sa kasal.