CITF, target ang iba pang matataas na opisyal na sangkot sa droga

Mas marami pang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa iligal na droga ang tinatarget ng Counter Intelligence Task Force (CITF).

Ito ang inihayag ni CITF Commander Sr. Supt. Romeo Caramat, matapos na mapatay kamakalawa ng gabi si PSupt. Santiago Rapiz na umano’y kilalang drug protector ng Odicta drug syndicate.

Si Rapiz na nakatalaga bilang Logistic Officer ng Zamboanga Del Norte PPO, ay napatay matapos na manlaban sa isang buy bust operation ng CITF sa Andres Bonifacio College Compound, Dipolog City.

Ayon kay Caramat, marami pang mga superintendents na kasama si Rapiz na minamanmanan ngayon ng CITF para mapatunayan ang kanilang pagkakasangkot sa iligal na droga.

Ibinunyag ni Caramat na si Rapiz ay ilang buwan ding isinailalim sa surveillance ng CITF, at naging kahina-hinala ang hindi maipaliwanag na kayamanan ni Rapiz na may limang malalaking bahay at maraming magagarang sasakyan.

Paliwanag ni Caramat, sa simpleng lifestyle check lang ay makikita kung sinong mga opisyal ang maaaring kumikita sa iligal na paraan.

Babala ni Caramat sa mga tiwaling PNP officials na tigilan na ang kanilang maling gawain bago pa sila mahuli ng CITF.  | ulat ni Leo Sarne