Circuit-breaker lockdowns, matagal nang ipinatutupad sa Metro Manila

Nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Benhur Abalos na matagal nang ipinatutupad ng mga alkalde ang circuit-breaker lockdowns na iminumungkahi ng OCTA Research Team para pigilan ang pagkalat ng Delta variant sa bansa.

Ayon kay Abalos, bago pa makapasok ang Delta variant ay ginagawa na ng National Capital Region (NCR) mayors ang granular lockdowns.

Sa katunayan, apat o limang local government units sa Metro Manila aniya ang nagpapatupad nito sa mga komunidad bukod pa sa agresibong contact tracing measures.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang granular lockdown ay tumatagal ng ilang araw at inihalimbawa nito ang mga condominium at kalsada.

Giit ni Abalos, ang importante ay mapabilis ang pagbabakuna laban sa COVID-19 at maiwasang mapuno muli ang mga ospital lalo’t pagod na ang medical frontliners pati ang local chief executives.

Kabilang sa tatalakayin ng mga mayor kasama ang health at economic experts ngayong araw ay ang pagpapatupad ng border control at iba pang aksyon laban sa transmission ng Delta variant.