CIDG-NCR sa Camp Crame, naka-confine sa kanilang tanggapan 

Inatasan ng Philippine National Police (PNP) Command Group ang Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) na i-confine ang kanilang mga tauhan sa kanilang tanggapan sa Camp Crame bilang precautionary measure sa posibleng panganib sa COVID-19 virus.

Ayon kay Major Britz Estadilla, PIO ng NCRPO, ito’y matapos na maiulat ang pagkamatay ng isang pulis ng Manila-CIDG na si Police Sergeant Roderick Taca na pinaghihinalaang dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Major Estadilla na habang hindi pa lumalabas ang resulta ng COVID-19 test kay Taca, bilang precautionary measure ay lahat ng Manila-CIDG personnel ay confined din sa kanilang tanggapan.

Inaasahan aniya na sa Martes, March 17, lalabas ang resulta ng test.

Kung sakali aniya na mag-positibo sa COVID-19 si Taca, ay tuloy-tuloy na ang quarantine sa mga tauhan ng Manila-CIDG, para ma-monitor ng Manila Police District (MPD) Health Service.