Christmas decors gamit ang mga bagay na mula sa mga basura at storage bins, isinusulong ng Ecowaste Coalition

Hinimok ng environmental group na EcoWaste Coalition ang publiko na gawing makabuluhan ang paglikha ng mga Christmas decoration gamit ang mga bagay na nakukuha mula sa mga basura at storage bins.

Ayon kay Daniel Alejandre, zero waste campaigner ng EcoWaste Coalition, dahil sa sobrang mahal ng mga Christmas ornaments, maaari namang gawing buhay ang Christmas spirit sa pamamagitan ng mga upcycled decorations na makakabawas pa sa tinatawag na “holitrash”.

Binigyang halimbawa ng grupo ang paggamit ng used party wares, gift wrappers, plastic bottles, product containers at wrappers, tin cans, at kahit na ang e-waste.

Aniya, bukod sa makababawas sa dami ng mga materyales na itatapon, makakatulong din ang upcycling activities sa pagbawas ng pagdami at paggamit ng mga bagong materyales.

Ang upcycling ay maaari ring maging daan para sa paglikha ng kamalayan tungkol sa problema ng bansa, at ang pangangailangan para sa pangmatagalang solusyon ng problema sa basura. | ulat ni Rey Ferrer