Chinese ship, nagpaalam na dumaan sa Benham Rise

Isang Chinese ship ang pansamantalang dumaong sa bahagi ng East Philippines Sea partikular sa Benham Rise ayon mismo kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Pero hindi tulad ng mga barkong pandigma na dumaan sa Sibutu Strait, sa pagkakataong ito ay nagpaalam na aniya ang China na dadaan ang naturang barko.

Base aniya sa komunikasyon ng Chinese government, nagpalipas lamang ng sama ng panahon ang naturang barko kaya’t dumaong o nag-angkla sa loob ng ating territorial waters ngunit agad din naman umalis matapos gumanda ang panahon.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan munang humingi ng paalam o permiso ang mga foreign vessel kung dadaan ang mga ito sa loob ng territorial waters o 12 nautical miles mula sa lupang teritoryo ng bansa.