Chinese national na nambato ng taho sa isang pulis sa MRT, dapat ipadeport – Sen. Gordon

Nais ipadeport ni Senador Richard Gordon ang Chinese national na nambato ng taho sa isang pulis sa MRT.

Ayon kay Senador Gordon, chairman ng Committee on Justice and Human Rights, dapat nang simulan ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation proceedings laban kay Jiahe Zhang, dahil wala umano itong respeto sa batas ng bansa.

Aniya, dapat ipadeport agad si Zhang bilang leksyon sa mga foreign national na nasa bansa, na dapat ay rumespeto sa otoridad at sumunod sa batas.

Magugunitang dahil sa mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa MRT, pinagbawalan ni Police Officer 1 William Cristobal si Zhang at ubusin muna ang kinakaing taho bago pumasok sa MRT, na siyang dahilan kaya ibinato nito ang kanyang hawak na taho.

Nanawagan din ang mambabatas sa China, na payuhan ang kanilang mga national na sumunod sa ipinatutupad na regulasyon at batas sa bansa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes