Chinese fugitive, isa pang foreigner na sangkot sa passport fraud, timbog sa NAIA

Napigilan ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang foreign nationals kabilang ang isang puganteng Chinese matapos tangkaing pumasok sa bansa.

Base sa report ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ang Chinese fugitive na si Wang Zhi Qiang na sangkot sa telecommunications fraud sa China.

Natimbog si Wang sa NAIA Terminal 1 mula Xiamen nang mapag-alaman ng isang Immigration official na kabilang ito sa database ng blacklisted aliens dahil sa pagtatago sa batas.

Samantala, hindi naman pinalusot ang 20-anyos na si Enow Lewis mula sa Cameroon makaraang magpresenta ng expired na passport sa NAIA Terminal 3.

Patungo sana ng Hong Kong si Lewis nang mabisto ng isa sa Immigration officials sa computer system na wala nang bisa ang pasaporte kahit pa mukhang maayos ang pisikal na anyo nito.

Napatunayan rin sa pagsusuri ng forensic document laboratory ng BI na expired ang dokumento kaya agad dinala sa warden facility si Lewis habang hinihintay ang deportation process.