Chief of Police ng Midsayap at General Santos City, sinibak ni PNP Chief Albayalde

Sinibak sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang Chief of Police ng Midsayap, North Cotabato at General Santos City, matapos ang magkahiwalay na pagsabog kahapon.

Ito ang inihayag ni Albayalde sa isang ambush interview sa Camp Crame bago lumipad patungong Benguet ngayong umaga.

Ayon sa PNP Chief, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) parin ang kanilang pinaghihinalaang nasa likod ng dalawang pagpapasabog, bagamat hindi pa malinaw kung ito ay kaparehong grupo sa naunang pambobomba sa Isulan Sultan Kudarat kamakailan.

Marami kasi aniyang paksyon ng BIFF na pinaghihinalaang nasa likod ng mga sunod-sunod na pagsabog ngayon sa Mindanao.

Wala naman iniulat na nasaktan sa naganap na pagsabog ng improvised explosive device (IED) pasado alas-siete kagabi sa Theresa’s Place Videoke Bar sa Poblacion 4, Midsayap, North Cotabato, habang walo ang sugatan sa pagsabog sa GenSan.  | ulat ni Leo Sarne