Chief of Police ng Makati at 4 na tauhan, kinasuhan kaugnay ng Dacera case

Sinampahan ng kasong administratibo sa Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) ang hepe ng Makati Police at apat nitong tauhan dahil sa kanilang paghawak ng kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera.

Ito’y dahil sa pagkakulong ng mga respondents sa Dacera case na sina Gregorio de Guzman, Valentine Rosales, Rom Galdo, JP dela Cerna, at Clark Rapinan na kinasuhan ng Makit Police ng rape with homicide sa pagkamatay ng dalaga.

Magugunitang ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang kasong Rape with Homicide na isinampa ng mga pulis Makati laban sa mga respondent.

Ayon kay Atty. Mike Santiago, abogado ng mga respondent sa kaso, kabilang sa kanilang inireklamo ay ang hepe ng Makati City PNP na si P/Col. Harold Depositar at mga tauhan nitong sina P/Cpl. Louie Lopez, P/SSgt. Jun Alimurong, at P/Capt. Danilo Oamil.

Kasong grave misconduct, grave abuse of authority, gross dishonesty, at gross misfeasance ang isinampa ng kampo ng mga respondents laban sa mga pulis na nagdiin sa kanila sa kaso.

Giit ni Santiago, labis ang naranasang trauma ng kaniyang mga kliyente dahil sa pangyayari kung saan, ang ilan sa kanila ay nawalan pa ng trabaho.