CHED, pinag-aaralan na ring magkaroon ng face to face classes sa mga kurso na di medical courses

Nagsasagawa na ng pag-aaral at guidelines ang Commission on Higher Education (CHED), para magkaroon ng face to face classes sa mga kursong walang kaugnayan sa medical courses.

Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, nais nilang palawigin sa iba pang kurso ang face to face classes na nangangailangan ng hands on activities, na hindi magagawa sa online classes.

Tinukoy ni De Vera ang mga kursong Information Technology, industrial technology, engineering at maritime programs.

Nakikipag-ugnayan na daw ang komisyon sa mga dean ng mga kursong ito, para maglatag ng guidelines upang simulan ang limited face to face classes na gagawin ngayong taon.

Base sa inisyal na data na nakuha nila sa College of Medicine ng University of the Philippines Manila at Our Lady of Fatima, zero transmission ng COVID-19 sa nakalipas na semester, nang payagan nila ang face to face classes sa medical courses.

Una ng inaprubahan ng komisyon ang face to face classes sa 64 na mga kolehiyo at unibersidad na may kinalaman sa medical courses, upang makatuwang ng pamahalaan sa pagdaragdag ng bilang ng mga health care worker.