CHED, aapela sa Finance Department para huwag makasama sa mga ahensiyang matapyasan ng pondo

Iaapela ng Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Finance (DOF) na sana ay huwag silang mapabilang sa mga ahensyang posibleng matapyasan ng pondo para sa susunod na taon.

Ito’y sa harap ng ipinagpauna na ng DOF kaugnay ng gagawing suspensyon sa pangongolekta ng fuel excise tax.

Ayon kay CHED Executive Director Atty Cinderella Filipina Jaro, nakipag-ugnayan na sila kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino tungkol sa isyu at nabanggit nito sa kanila na sa ngayon ay nasa proseso pa rin ang DOF, kung anu-anong mga tanggapan ng pamahalaan ang posibleng matapyasan ng pondo dahil sa gagawing suspensiyon sa paniningil ng excise tax.

Sa ngayon ay wala pa aniyang resolusyon, habang tiniyak naman sa kanila na hindi nawawala ang edukasyon bilang isa sa prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng budget.

Naniniwala din si Jaro na kung sadyang hindi maiiwasang mapabilang sila sa maaapektuhan ng budget reduction, bahagya o katiting lang ang magiging epekto nito sa kanila.  | ulat ni Alvin Baltazar