Certificate of Product Registration para sa Ivermectin, welcome sa mga mambabatas na nagsusulong nito bilang COVID-19 drug

Welcome para sa ilang mambabatas ang paggawad ng FDA ng Certificate of Product Registration (CPR) sa local pharma company na Lloyd Laboratories para sa Ivermectin.

Ayon kay Deputy Speaker Bernadette Herra ang paggawad ng CPR sa naturang laboratoryo ay magpapahintulot para sa paggawa, pamamahagi at pagbebenta ng Ivermectin sa ilalim ng ilang kondisyon.

Dagdag pa ng kinatawan, dahil sa CPR ay makatitiyak ang publiko sa kalidad at legalidad ng doctor-prescribed Ivermectin dosage.

Makatutulong din aniya ito bilang dagdag na datos sa clinical trial sa paggamit ng Ivermectin bilang COVID-19 drug.

Para naman kay ANAKALUSUGAN Rep. Mike Defensor, tagumpay itong maituturing para sa Ivermectin advocates.

Dahil aniya sa CPR, mabibigyan na ng nationwide access ang publiko lalo na ang “poorest of the poor” bilang proteksyon.

Umaasa din ang kinatawan na babawiin na ng medical associations ang kanilang pahayag kontra sa mga “Ivermectin doctors”.

Batay sa CPR ng Lloyd laboratories, pahihintulutan ang paggamit ng Ivermectin bilang “prescription-only” drug na may 3mg, 6mg, 9mg, 12mg at 15 mg doses.