Certificate of eligibility, kailangang iprisinta ng nasa A4 priority group bago magpabakuna ng COVID vaccine

Kailangang magpresinta ng certificate of eligibility ang mga indibidwal, na kabilang sa A4 priority group bago makapagpabakuna ang mga ito.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rose Edillon, magmumula ang certificate na ito sa kanilang mga employer at dapat na lamanin nito na frontline worker ang magpapabakuna, at kung anong subgroup sila nabibilang.

Kailangan rin na pirmado ito ng pinuno ng kumpanyang kanilang pinapasukan o ng human resources department nito.

Bukod dito, kailangan rin munang mag pre-register ang mga ito sa immunization program ng local government, kung nasaan ang kanilang opisina. Maliban na lamang kung ang kanilang mga kumpanya ay mayroon nang special arrangement, na ginawa kabalikat ang lokal na pamahalaan na nakakasakop sa kanila.

Aniya, maglalabas ng guidelines ang pamahalaan kaugnay sa vaccination rollout ng A4 group.

Una nang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na sa huling linggo ng May, ay posible nang masimulan ang pagbabakuna sa priority group na ito.