Ceremonial distribution ng ECQ ayuda, umarangkada na sa Parañaque City

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pamamahagi ng financial assistance sa mga residenteng naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.

Pinangunahan nina Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, Vice Mayor Rico Golez, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista at Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya ang ceremonial distribution sa Greenheights Village, Barangay San Isidro ngayong araw.

Nasa 15,122 families ang target na mabigyan ng ayuda sa barangay na may kabuuang populasyon na halos isandaang libo.

Ngayong araw, 800 pamilya ang makatatanggap ng cash assistance sa naturang venue.

Mabilis at maayos ang proseso sa Barangay San Isidro dahil sa tulong ng homeowners ay tukoy na ang pangalan ng mga karapat-dapat mabigyan ng ayuda at tanging ang mga nasa listahan ang papayagang magtungo sa covered court.

Ayon kay Mayor Olivarez, blended distribution ang diskarte ng city government sa pagbibigay ng ayuda kung saan bukod sa face-to-face ay matatanggap din ang pera sa pamamagitan ng electronic wallet at cash card ng 4Ps beneficiaries.

Nasa ₱556.1-million pesos ang inilaan ng national government para sa lungsod ng Parañaque ngunit inaprubahan ang karagdagang ₱48-million upang ma-accommodate ang nasa 604,000 individuals.