Cebu nakatanggap ng 9,000 doses ng Sinovac, pagbakuna sa senior citizens muling sinimulan

Muli na namang nagsagawa ng pagbakuna sa mga senior citizen sa Cebu City, ang Cebu City Health Department (CCHD) ngayong araw.

Ito ay matapos na nakatanggap ang CCHD ng karagdagang 9,000 doses ng Sinovac vaccine.

Isinagawa ang pagbabakuna sa tatlong vaccination sites, na kinabibilangan ng SM Seaside City Cebu, Robinsons Galleria, at University of Cebu Senior High Building Banilad.

Sa datos ng Cebu City Vaccine Operation Center, nasa 4,876 na mga senior citizen na ang naturukan ng unang dose ng Sinovac vaccine.

Ayon kay CCHD head, Dr. Jeffrey Ibones, nasa 30,000 na mga senior citizen na ang nagparehistro upang magpabakuna.

Bawat barangay sa Cebu City ay may COVID-19 vaccine registration desk, na maaaring lapitan ng mga residente upang makapagparehistro para sa vaccination program ng lungsod.