Cebu City, nakatanggap ng 21,000 doses ng COVID-19 vaccine na Pfizer

Natanggap na ng Cebu City Health Department ang supply nito ng 21,000 doses ng Pfizer BioNTech COVID-19 vaccine mula sa Department of Health Region VII.

Ang nasabing supply ay bahagi ng 210,000 doses ng nasabing bakuna na natanggap ng Region VII noong nakaraang linggo.

Bunsod nito ay ipinagpatuloy ngayong araw ang vaccination sa tatlong vaccination sites ng lungsod.

Ayon kay Cebu City Health Department Officer In-Charge Dr. Jeffrey Ibones, ang nasabing bakuna ay gagamitin lamang para sa mga taong kabilang sa priority list A1, A2, A3, at A5.

Ipinaliwanag nito na dahil donated mula sa COVAX facility ang nasabing bakuna, hindi kasali sa mga mabibigyan nito ang mga nasa A4 priority list.

Sa tala ng CCHD nasa 23,000 indibidwal na ang fully vaccinated samantalang nasa 54,000 ang nabakunahan ng first dose.