Cebu City, nakapagtala na naman ng panibagong record ng pinakamataas na bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19

Naitala kagabi ng Cebu City Emergency Operation Center ang pinakamataas na bilang ng mga nag-positibo sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw mula pa noong 2020.

Base sa record ng EOC, umabot sa 505 ang panibagong kaso ng COVID-19 ang natala ng lungsod kung saan nakatala ito ng 33.05 percent na daily positivity rate.

Ayon kay Councilor Joel Garganera, Deputy Implementer ng EOC na ito na ang pinakamataas na bilang ng mga nag-positibo sa virus sa loob ng isang araw mula ng pagsisimula ng COVID-19 pandemic.

Sa ngayon umabot na sa mahigit 2,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 dito sa Cebu City.

Napag-alaman na kahapon ay isinailalim sa alert level 3 ang Cebu City at tatagal ito hanggang Enero 31 ngayong taon.