Ceasefire sa CPP-NPA-NDF, idineklara ng Pangulo sa gitna ng COVID-19

Nagdeklara ng unilateral ceasefire si Pangulong Rodrigo Duterte sa CPP-NPA-NDF sa gitna ng hinaharap na hamon ng bansa sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, epektibo ang deklarasyong ito pagsapit ng March 19 at tatagal hanggang April 15, 2020.

Inatasan aniya ni Pangulong Duterte ang Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ihinto ang pagsasagawa ng offensive military at police operation sa nabanggit na panahon.

Dapat rin aniya na magbaba ang DND at DILG ng kautusan kaugnay sa implementasyon ng deklarasyon ng unilateral ceasefire, kabilang ang Suspension of Offensive Military and Police Operations (SOMO).

Ayon sa kalihim, umaasa ang pamahalaan na sa pamamagitan ng deklarasyong ito, walang magiging hadlang sa ipinatutupad na health assistance ng pamahalaan sa publiko, at magtutuloy- tuloy lamang ang pagbiyahe ng mga health workers at medical supplies, maging ang mga indibidwal na nangangailangan ng medical attention.